Manok na naka-marinate tinangay ng kapitbahay

KULUNGAN ang binagsakan ng 21-anyos na lalaki na tumangay sa isang container ng marinated chicken sa Brgy. Tisa, Cebu City.

Dinakip ng pulis si Brylle Bacalso, residente Purok Sambag, Brgy. Tisa makaraan niyang ipagbili ang ninakaw na manok.

Ayon sa biktimang si Journel Cardeño, 23, nakita niyang itinatakbo ni Bacalso ang container alas-3 ng hapon noong Miyerkules kaya humingi siya ng tulong sa barangay.

Hindi na narekober pa ang manok dahil naipagbili na ito ng kawatan bago masakote.

Sa presinto, inamin ng suspek ang krimen dahil kailangan niya ng pera. Hindi naman niya sinabi kung ano ang bibilhin pero naniniwala ang mga pulis na ipambibisyo niya ito.

Sasampahan ng reklamong theft ang suspek.