KINUMPIRMA ng Pangasinan Provincial Veterinary Office na heat stroke ang ikinamatay ng ilang manok sa probinsya.
Ani Dr. Aracely Robeniol, officer-in-charge ng Pangasinan Veterinary Office, dahil sa sobrang init ay nag-collapse at namatay ang mga manok sa ilang poultry farm.
“Sila talaga ay exposed sa extreme heat. Pangalawa, hindi na sila nabibigyan ng regular na tubig na inumin, kaya ‘yan ang possible na nakikita naming [kaso] pagdating sa mga backyard raiser,” ani Robenial sa isang panayam.
Siniguro naman ng tanggapan na may sapat na supply ng manok sa mga pamilihan sa Pangasinan.
“Walang problema sa suplay natin, nasa sufficiency level tayo pagdating sa suplay ng poultry meat,” paliwanag ni Robeniol.
Gayunman, idinagdag niya na tumaas sa P200 mula P180 ang kilo ng manok sa palengke sa Barangay Bonuan Gueset.
Kaugnay nito, pinayuhan ng mga otoridad ang mga may-ari ng manukan sa probinsya na magpatupad ng preventive measures para hindi na lumobo ang bilang ng namamatay na manok sa gitna ng mainit na panahon.