HINDI nagpasindak ang mga mangingisdang Pilipino sa China Coast Guard (CCG) na nagbantang huhulihin at ide-detain ang mga mahuhuling manghihimasok sa inaangkin nilang teritoryo sa West Philippine Sea.
Naglayag at nangisda ang mga Pinoy sa Bajo de Masinloc, kilala rin bilang Panatag at Scarborough Shoal, nitong Sabado, ang simula ng pag-iral ng panghuhuli ng CCG sa mga papasok sa kanila umanong nasasakupan.
“Awa ng Diyos, maraming pumalaot kagabi at kahapon, marami pong nagpanga-araw. Sa ngayon, marami na naman pong pumalaot na nagpang-araw at nangangawil sila sa mga lugar ng mga payao diyan sa West Philippine Sea,” ani New Masinloc Fishermen Association president Leonardo Cuaresma sa isang panayam.
Sinabi ni Cuaresma na pinayuhan ang mga mangingisda na pumalaot ng sama-sama at huwag makipag-engkwentro sa mga tauhan ng CCG.
“Kapag alam natin na nilalapitan na tayo, wala na tayong ibang gagawin kundi lumayo na lang para makaiwas tayo sa anumang insidenteng mangyayari. Iyan na lang po ang aming babala sa aming mga kasama,” sambit ni Cuaresma.
Sa regulasyon ng China, ang mga dayuhan na mahuhuli sa kanila umanong teritoryo ay ikukulong nang hanggang 60 na araw nang walang pagdinig.
Inaangkin ng China ang halos buong South China Sea, kabilang ang tubig na nasa exclusive economic zones ng Pilipinas at apat pang bansa sa Southeast Asia.