IPINAMAHAGI na ng pamahalaang lungsod ng Mandaluyong ang mga libreng gamit pang-eskwela at uniporme para sa mga kasalukuyan at bagong estudyante sa lahat ng pampublikong paaralan sa siyudad.
Naganap ang turnover ceremony sa city hall na pinangunahan nina Mayor Ben Abalos, Vice Mayor Menchie Abalos, at Mandaluyong Schools Division Office superintendent Dr. Aurelio Alfonso.
Kabilang sa mga kagamitang pang-eskwela na matatanggap ng mga estudyante na mula daycare at kinder hanggang Grade 12 ay mga notebooks, diaries, at school bags. Bawat mag-aaral ay makatatanggap din ng mga libro sa lahat ng kanilang mga subject.
Kasama rin sa ipinamigay ay school at P.E. uniform, medyas, at sapatos.
Mayroon ding cycling shorts para mga babaeng estudyante sa elementary at high school, at black tights para sa mga estudyante sa daycare at kinder.
Ayon kay Mayor Abalos, ang pamamahagi ng mga kagamitan pang-eskwela at uniporme sa mga estudyante ay taunang ginagawa ng pamahalaang lungsod para mabawasan ang mga gastusin ng mga magulang.
“Kaya naman tanging pagpasok na lang sa eskwelahan ang kailangang gawin ng mga bata,” sabi ng alkalde. Nagpahayag naman ng pasasalamat si Alfonso sa suportang ibinibigay ng pamahalaang lungsod sa mga pampublikong paaralan sa Mandaluyong.