INANUNSYO ng management ng mga malls sa bansa ang kanilang hours of operation sa Metro Manila, Rizal, Bulacan, Cavite at Laguna sa paiiraling enhanced community quarantine (ECQ).
Isasailalim ang NCR Plus sa ECQ simula bukas hanggang Abril 4 bilang tugon ng pamahalaan sa paglobo ng mga bagong kaso ng Covid-19.
Pinahaba rin ang oras ng curfew, mula alas-6 ng hapon hanggang alas-5 ng umaga, sa mga nasabing lugar.
Ayon sa SM Supermalls, tanging mga supermarket, bangko, botika, hardware store at restaurant na nag-aalok ng take-out ang bukas sa pagitan ng alas-10 ng umaga hanggang alas-5 ng hapon.
In-adjust din ng Robinsons Malls ang operating hours ng kanilang supermarket mula alas-7 ng umaga hanggang alas-6 ng gabi habang ang ibang “essential stores” ay mula alas-10 ng umaga hanggang alas-5 ng hapon.
Libre ang parking sa dalawang higanteng mall chains sa isang-linggong ECQ.
Sinabi naman ng Shangri-La Plaza na bukas ang kanilang mga “essential stores” sa pagitan ng alas-11 ng umaga hanggang alas-5 ng hapon maliban sa Huwebes Santo at Biyernes Santo.
Inanunsyo rin ng Ayala Malls at Megaworld Lifestyle Malls na tanging mga “essential stores” lamang ang mananatiling bukas sa buong panahon ng ECQ.