Sa sobrang kalungkutan ay napaluha si Manila City Mayor Honey Lacuna sa pagpanaw ni Mali, ang bukod-tanging elepante meron sa buong bansa, habang nasa press conference nitong Miyerkules ng umaga.
Malungkot ding inihayag ni Lacuna na walang magaganap na public viewing para sa nasawing elepante kay Mali, na namatay sa loob ng Manila Zoo Martes ng hapon.
Ipaalam na rin sa Sri Lanka ang pagpanaw ni Mali at hihilingin din dito kung meron pa sila uling maipagkakatiwalang bagong elepante.
“We hope that they find it in their heart to entrust another elephant in our care,” sabi ni Lacuna.
Posible ring isailalim si Mali sa ‘taxidermy’ upang ma-preserve ang kanyang balat at gayundin ang kanyang mga buto upang makita pa rin ito ng mga bumibisita sa Manila Zoo.
“Alam nyo naman po, prized possession namin si Mali, siya po ang star attraction dito sa Manila Zoo so nagsisimula na kaming magkaroon ng talks with the experts kung paano magagawang mai-preserve si Mali at mailagay siya sa museum natin dito,” pahayag ng alkalde, na hindi na napigilan ang emosyon habang inihahayag kung gaanong kalaking kawalan sa lungsod ang pagpanaw ni Mali.
“Talaga pong nakakalungkot dahil lahat tayo ay may kanya-kanyang kwento kay Mali. Ako po nung bata pa po ako, ito po ang naging regular naming pasyalan… dito kami dinadala ng aming magulang…kaya nung irehabilitate namin ito we made sure na malaki ang ikutan niya, siya ang pambungad na pambati namin dito sa Manila Zoo,” ayon kay Lacuna.
Batay sa opinyon ng mga eksperto, ipinaliwanag ni Lacuna na habang marami ang nagsasabi na ibalik si Mali sa kanyang natural habitat ay hindi na ito magiging angkop sa kanya dahil ito ay nasa ‘captive state’ na simula nang ito ay dinala sa Manila Zoo noong siya ay 11 buwang gulang pa lamang. Aniya, mahihirapan na rin itong mag-adapt kung ibabalik sa kanyang natural habitat.
Napag-alaman din na naabot na ni Mali ang kanyang maximum life span na 40 hanggang 45 years old. Si Mali ay namatay sa edad na 43.