Male teacher basag ang bungo sa lalaking ka-meet up

MALAGIM ang naging kamatayan ng isang gurong lalaki makaraan paghahampasin ng bato ang ulo nito ng lalaki na kanyang umanong ka-date sa Urbiztondo, Pangasinan.

Ayon sa pulisya, sinuotan pa ng bonnet ng suspek ang biktima, 44, ng bayan ng Calasiao, upang itago ang mga sugat ng guro sa ulo bago tumakas.

Natagpuan sa isang kalsada sa Brgy. Malayo ang katawan ng guro na unang inakalang biktima ng aksidente.

Nang suriin ng pulisya, natuklasan nila ang mga tinamong pinsala sa ulo ng biktima.

Natagpuan din nila ang bato na ginamit sa pagpatay.

Sa imbestigasyon, napag-alaman na nakipag-meetup ang guro sa isang 18-anyos na lalaki.

“May kasama siya (bago ang pagpatay), nakipag-inuman,” ani Maj. Rommel Sembrano, hepe ng Urbiztondo Police.

Idinagdag ni Sembrano na natukoy na nila ang suspek. 

“Na-identify na sila at nagbigay na ng salaysay. Lumabas na ganoon ang nangyari,” aniya.