Malacanang kay Marbil: Emergency sa Edsa Busway di kasama ang meeting

MARIING sinabi ni Presidential Communications Undersecretary and Palace Press Officer Claire Castro na hindi magkikibit-balikat ang Malacanang sa anumang uri ng pang-aabuso sa EDSA Busway.

Ginawa ni Castro ang pahayag matapos ang kontrobersyal na pagdaan sa EDSA Busway ng convoy ni Philippine National Police chief General Rommel Marbil na umani ng matinding pagpunsa sa social media kamakailan.

Sa press briefing ngayong Huwebes, sinabi ni Castro na hindi ito-tolerate ng Palasyo ang ganitong uri ng “abusive behavior” at sinabi na ang Edsa Busway ay para sa verified emergencies at hindi kasama rito ang “emergency meeting”.

“Hindi po kasama doon iyong emergency meeting. Kung may emergency meeting, mas maganda po umalis sila nang maaga sa kanilang bahay,” pahayag ni Castro.

Matatandaan na sinabi ni marbil na dumaan ang PNP convoy sa EDSA Busway patungong Camp Crame sa Quezon City para sa isang emergency meeting.

“Kung may pang-aabuso, dapat managot,” giit ni Castro.