NILAGDAAN na ni Pangulong Bongbong Marcos bilang ganap na batas ang kontrobersyal na Maharlika Investment Fund.
Sa isang seremonya sa Malacanang Martes ng umaga, pinirmahan ni Marcos ang Republic Act 11954, na sinaksihan naman ng mga mambabatas mula sa Kamara at Senado.
Sa kanyang talumpati, sinabi ni Marcos ang MIF ay dinisenyo upang maiangat ang ekonomiya ng bansa, lalo pa’t galing ang buong mundo sa pahirap na dala ng coronavirus (Covid-19) pandemic.
“The MIF is a bold step towards our country’s meaningful economic transformation. Just as we are recovering from the adverse effects of the pandemic, we are now ready to enter a new age of sustainable progress, robust stability and broad-based empowerment,” ani Marcos.
Ang seed money na magmumula sa MIF ay pinaniniwalaan na hihikayat sa mga foreign investors na maglagak ng kanilang negosyo sa Pilipinas.
“We now have an available fund that will provide us the seed money for investments and to attract other foreign investments and for us to be able to participate in those operations, in those investments without additional borrowings,” dagdag nito.
Una nang sinertipikahan ni Marcos ang panukala bilang urgent na humakot nang matinding suporta sa Kongreso. Tanging pitong mambabatas lang ang hindi sumang-ayon dito.