Magdyowa nag-away sa Edsa; kotse sumalpok sa barrier

WASAK ang bahagi ng isang sasakyan makaraan nitong araruhin ang hilera ng mga barrier sa pababa ng Edsa-Ortigas Flyover sa Mandaluyong noong Sabado ng madaling araw.

Ayon sa pulisya, naganap ang insidente sa kasagsagan ng away ng driver ng kotse at kasintahan nito.

Base sa video ng pangyayari, maluwag ang daloy ng trapiko sa pababa ng nasabing flyover pasado ala-1 ng umaga.

Maya-maya ay makikita ang kotse na sinuwag ang mga barrier pagbaba nito.

Walang nasaktan sa insidente bagaman nasira ang kaliwang bahagi ng kotse, isang concrete barrier, plastic barrier at road signage sa lakas ng impact.

Isang oras na bumigat ang trapiko dahil sa insidente.

Sa isang panayam, sinabi ng driver na nag-aaway sila ng kanyang girlfriend nang bigla umanong kinabig ng babae ang manibela.

Ayon sa MMDA, nakainom ang driver.