Magandang buhay ipararanas ni Aira Villegas sa magulang; netizens napahanga

KABI-kabilang papuri at paghanga ang ipinaabot ng mga netizens sa Olympic bronze medalist na si Aira Villegas dahil sa makapagdamdaming pahayag nito tungkol sa kanyang mga magulang.

Ayon kay Villegas, nais niyang ibigay lahat sa mga magulang ang kanyang mga insentibo na nakuha matapos makasungkit ng bronze medal sa Paris Olympics kamakailan lang.

“Hanggang ngayon, sinasabi ko kay God, ‘Pakiusap bigyan n’yo ng mahabang buhay ang mga magulang ko para maranasan nila ‘yung mga hindi nila naranasan noon,’ Gusto kong bumawi sa kanila, i-spoil sila,” ani Aira sa isang panayam.

Kabilang sa mga tinanggap na premyo ni Aira ang P4 milyon cash mula sa pamahalaan P2 milyon na cash mula kay Leyte Gov. Jericho Petilla, at tig-P1 milyon na cash mula kay Leyte Mayor Alfred Romualdez, mula sa Senado, at sa Hiraya Foundation.

Makatatanggap din si Villegas ng house and lot na nagkakahalaga ng P6 milyon at kotse na may presyong P1.4 milyon mula kay House Speaker Martin Romualdez at asawang si Rep. Yedda Marie ng Tingog Party List. May itinatayo na ring bungalow para sa kanya sa Tagaytay City.

Narito ang ilan sa mga papuri at paghangang natanggap niya:

“Walang magulang na luluha kung ganito ang kaisipan ng kanilang mga anak. Nawa patuloy siyang pagpalain ng Diyos na maykapal sa kanyang pagsisikap sa kanyang larangan,” ayon sa Facebook user na si Aisha Sinan.

“Sana lahat ng mga anak ganyan kababait na mapagmahal sa magulang kapakanan ng magulang ang iniisip,” ayon naman kay Loumar Sardnemla

“God bless you Aira,” pahayag naman ni Nilda Armero.

Hindi naman maiwasan ng iba na ikumpara si Aira kay double gold medalist na si Carlos Yulo.

“Kung sino pa yung nakakuha ng mas malaki sya pa yung hindi karapatdapat,” sey ni Malogsike Landicho.

“Sana ganyan din mindset ni Yulo,” wish naman ni Kelly Makilan.