Mag-asawang senior kinatay ng kahera

PATAY ang mag-asawang may-ari ng liquified petroleum gas (LPG) store habang sugatan ang 18-anyos na kaanak makaraan silang saksakin ng kahera na ibinubulsa ang kita ng tindahan sa Pasig City, Huwebes ng gabi.

Dead-on-the-spot ang mga biktima na residente ng Brgy. Pinagbuhatan habang nagpapagaling na sa ospital ang teenager na estudyante.

Agad namang naaresto ang 24-anyos na suspek, residente ng Brgy. East Rembo, Taguig City.

Ayon sa ulat, naganap ang insidente alas-10:15 ng gabi noong Huwebes sa bahay ng mga biktima sa Sandoval Ave., Brgy. Pinagbuhatan.

Nagtungo ang suspek sa bahay ng kanyang mga amo para i-remit ang benta ng kanilang LPG store sa maghapon.

Kinuwestiyon ng babaeng amo, 60, ang suspek kung bakit maliit lang ang kita kaya nagalit ang huli, kumuha ng patalim at sinaksak ito.

Sinunod naman niyang saksakin ang among lalaki, 70.

Nasugatan din ng suspek ang teenager pero nagawa nitong makatakbo palabas ng bahay at humingi ng tulong.

Nasakote ng mga rumespondeng pulis ang suspek habang nadala ng mga tanod ang teenager sa Pasig City General Hospital.

Sasampahan ng mga murder at frustrated murder ang suspek.

Napag-alaman na anim na taon nang nagtatrabaho bilang kahera sa LPG store ang suspek at madalas pagalitan dahil kulang-kulang ang inire-remit nitong pera sa mga amo.