GANAP nang naging bagyo ang namataang low pressure area sa extreme Northern Luzon alas 2 ng madaling araw nitong Martes.
Ayon sa weather bureau, tatawagin itong Tropical Depression (TD) Ineng na may taglay na hangin na kumikilos sa bilis na 45 kilometer per hour (kph) malapit sa gitna at pagbugsong 55 kph.
Huling namataan si “Ineng” 925 kilometro silangan bahagi ng extreme Northern Luzon, ayon sa PAGASA sa weather bulletin nitong alas-5 ng umaga.
Hindi umano direktang makakaapekto sa bansa si “Ineng” na inaasahan din lalabas ng Philippine Area of Responsibility Martes ng gabi o Miyerkules ng umaga.
Gayunman, paiigtingin ng bagyo ang nararanasang southwest monsoon o habagat na nakakaapekto sa kanlurang bahagi ng Luzon nitong nakaraang mga araw.