Lolit awang-awa kay Paolo

MATINDING awa ang nararamdaman ng talent manager na si Lolit Solis sa kanyang alagang si Paolo Contis dahil hindi ito tinatantanan ng mga bashers.

Sa Instagram, ibinahagi ni Lolit ang sentimento para kay Paolo.

“Naaawa naman ako kay Paolo Contis na para bang nasa aquarium na gusto laging pinapanuod ng tao. Iyon kahit pa nga dapat pribado na niyang buhay talagang gusto parin kalkalin ng mga walang magawa.

“Tutoong public figure ang artista. Pero sana naman iyon gusto nila na sila na lang ang may alam hayaan na natin.

“Iyon performance nila, iyon na lang bigyan natin pansin. Isa si Paolo Contis sa pinaka mabait, propesyonal, at mahusay na artista natin.

“Sana naman iyon na lang muna tignan natin. Kung anuman ang buhay niya sa labas ng kamera, pagbigyan na lang natin siya basta maligaya siya,” sey ni Lolit.

Umapela rin ang talent manager sa publiko na hayaang maging masaya si Paolo.

“Ngayon meron siyang nadarama na konting happiness hayaan natin siya na enjoy whatever it is. Kawawa naman siya kung pati iyon aagawin pa natin sa kanya. Let him eat his cake now and for whatever it is, enjoy. Be happy Paolo Contis, para bongga. Hayaan mo sila mainggit sa ligaya mo,” hirit ni Lolit.