ISINIWALAT ng dating miyembro ng Socorro Bayanihan Services Inc. (SBSI) na may kakayahan na pigilan ang ulan at magpakanta ng ibon ang lider ng kanilang kulto na si Jey Rence “Senior Agila” Quilario.
Ginawa ni Regin Guma ang pahayag sa pagdinig ng Senado sa aktibidad ng umano’y kulto.
Kuwento ni Guma na may pagkakataon na sumigaw si Quilario ng “pakantahin ang mga ibon” at isang ibon nga ang kumanta.
Nasaksihan din umano niya si Quilario na sumigaw ng “Ulan tumigil ka!” at agad tumila ang napakalakas na ulan.
Maliban dito, kaya ring mag-iba-iba ng boses si Quilario.
“Ang cousin ko, nagkasakit siya at dinala sa hospital. Biglang dumating din si Jey Rence Quilario. Pagdating niya sa ospital ay pabago-bago ang boses niya,” pahayag ni Guma. Dagdag niya, kayang magboses matandang babae at lalaki ng SBSI leader.
Dahil sa mga nasaksihan na mga “kapangyarihan” ni Quilario kaya sumapi si Guma sa grupo.
“Noon ‘yun. Noong sobrang diehard ako, kaya nga tumigil po ako sa pagtuturo,” sabi niya.
Napaniwala din umano siya ng mga pangako ni Quilario.
“Pinapangakuan po kami ng langit. Kapag po kami ay makasunod sa kanya, lahat po kami ay mapupunta ng langit. Ang hindi sumunod sa Kapihan ay mapupunta sa impyerno,” sabi niya.
Iniimbestigahan ng Senado ang Surigao del Norte-based organization dahil sa mga reklamong qualified trafficking, kidnapping at serious illegal detention laban kay Quilario at sa 12 tauhan nito.