Lian umaasa sa divorce bill para mahiwalayan na si Paolo

IPINAPANALANGIN ni Lian Paz na sana ay maisabatas ang divorce bill upang tuluyan na niyang mahiwalayan si Paolo Contis, ang ama ng dalawa niyang anak.

Kaugnay nito, natutuwa ang dating Kapuso star at EB babe na na-annul ang kasal nina Jodi Sta. Maria at Pampi Lacson.

“Sobrang na-happy ako for her (Jodi),” aniya.

“Hindi naman kami close. Pero, ang saya ko nung mabasa ko ang post niya. She waited for it and I can tell upon the waiting process, ‘di ba?

“She showed her character. Nakipag-co-parenting siya nang maayos sa asawa niya. Hindi naapektuhan ang mga anak niya. So, it’s really a battle rin sa isang babae, to be emotionally capable. Strong woman talaga siya,” dagdag ni Lian.

Inihayag naman niya na iniurong niya ang petisyon para mapawalang-bisa ang kasal nila ni Paolo.

“Sabi ko, bakit palaging may aberya? Maybe, I’ll just pull it off first. And then, sabi ko, ipagpile-pray ko muna nang mabuti,” sey ni Lian.

“Magre-replan muna ko. Paano ko ba ito iaano? Ano ba ang mas magandang ways na puwede? But then again, whatever ways we do, kapag hindi si Lord ang nagbigay,” dagdag niya.

Kaya nga, chika ni Lian, sana ay maaprubahan ang diborsyo sa Pilipinas para maging malaya na sila ng kanyang partner na si John Cabahug.

Naka-base sa Cebu sina Lian at John kasama ang mga anak nila.