TUTULONG na ang mga lokal na pamahalaan sa Department of Social and Welfare Development sa pamamahagi ng cash aid para sa mga mahihirap na mag-aaral sa susunod na linggo.
Ito ang sinabi ni DSWD Secretary Erwin Tulfo matapos dumugin ng mga tao ang tanggapan sa Quezon City Sabado para kolektahin ang tulong pinansyal sa mga mahihirap na estudyante sa elementarya hanggang kolehiyo.
“Starting next week naman, tutulong na ang local government units,” ayon kay Tulfo.
“Pero ang magma-manage po nito ay ang DSWD social workers, mga empleyado po ng DSWD main ang magbabantay. Ang payout lamang po ay sa munisipyo, at lungsod, para po synchronized tayo at hindi magulo,” dagdag pa niya.
Sinabi ni Tulfo na lalagda ang DSWD ng memorandum of agreement sa Department of Interior and Local Government para sa pamamahagi ng monetary assistance sa iba’t ibang LGU.
Naunang sinabi ni Tulfo ang na nagkaroon ng miscommunication kaya dinagsa ng maraming tao ang ahensya matapos niyang ianunsyo na P500 milyong halaga ng tulong pinansyal ang ibibigay sa mga mahihirap na estudyante.