MALAKING trauma para sa komedyante at TV host na si Lassy Marquez ang matinding pagbaha na resulta ng bagyong Carina at habagat noong isang linggo.
Sa YouTube vlog ng Beks Battalion, isinapubliko ni Lassy ang resulta makaraang malubog ang kanilang bahay sa isang village sa Quezon City.
Kuwento ni Lassy, umabot sa second floor ng bahay ang baha kaya napinsala ang mga appliances at gadgets na tinatayang aabot sa P500,000 ang halaga.
Bago pa tuluyang malubog ang bahay, sinabi niya na pinalikas na niya ang kanyang pamilya sa ikalawang palapag ng bahay.
Siya umano ang huling nag-evacuate kaya nilangoy na lang niya ang rescue boat gamit na salbabida ang galon ng tubig.
Habang sakay ng bangka kasama ang pamilya ay tumaob ito.
Agad nakasampa ng bangka ang magkakapamilya pero napansin nila na nawawala ang urn ng yumao ama na isinama nila sa paglikas.
Nakita naman nila na palutang-lutang ang urn kaya nilangoy niya ito at nasagip.
“Ang hirap kasi para kang nagsisimula nanaman. ‘Yung lahat back to [zero],” sabi niya habang inaayos ang mga gamit na binaha.
“‘Yung itsura nito nakakapagod talaga…Amoy-baha. Ang hirap nang kumilos dito, sobra,” dagdag niya. “Nakakapagod pero kaya naman. Kasi ‘di ba ‘yung tatay ko mahigit two months pa lang namamatay, tapos ito na naman.”