Lasing inumbag anak na may cerebral palsy

SHOOT sa selda ang lalaki na sinampal, sinuntok at sinakal ng tali ng vape ang anak niyang mayroong cerebral palsy sa Quezon City kamakailan.

Binugbog din ng suspek na si Roy Winston Alumisin, 27, ng15th Ave., Brgy. San Roque, ang asawa nang tinangka nitong pigilan ang ginagawang pananakit sa kanilang anim na taong gulang na anak.

Sa ulat ng Cubao Police Station, bigla na lang umanong sinaktan ng lasing na si Alumisin ang anak na babae na mayroong cerebral palsy alas-9 ng umaga sa loob ng kanilang bahay.

Hindi pa nakuntento sa pagsampal at pagsuntok, sinakal din ni Alumisin ang anak gamit ang lace ng kanyang vape bago ito ipinasok sa laundry basket.

Sa takot ay patagong kinunan ng video ng asawa ng suspek ang pangyayari.

Nakita siya ng suspek at tinangkang hablutin ang cellphone pero hindi ito ibinigay ng ginang.

Sa galit, binuntal ng suspek ang mukha ng asawa saka ito inuntog sa sahig.

Nagawang makalabas ng bahay ng ginang at nagpasaklolo sa mga barangay tanod, na dumakip sa suspek.

Dinala sa Quezon City Medical Center at East Avenue Medical Center ang mag-ina.

Nahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa RA 9262 (Physical and Emotional Abuse) ang suspek.