Lalaki tinodas, ina na negosyante kinidnap

PINATAY ang 40-anyos na lalaki habang ang tinangay ang kanyang inang negosyante ng mga armadong kalalakihan sa Quezon City nitong Lunes.

Dead on arrival sa MCU Hospital si Christian Ortega, residente ng Balintawak, QC dahil sa tinamong tama ng bala sa kaliwang sentido at kanang balikat.

Pinaghahanap pa ng mga otoridad ang ina niya na si Gloria, 70, residente ng Brgy. Baesa, QC.

Ayon sa Quezon City Police District-Criminal Investigation and Detection Unit (QCPD-CIDU), naganap ang insidente alas-2:45 ng madaling araw sa harap ng Lucas R Pascual Elementary School sa JR Pascual st., Brgy. Baesa.

Minamaneho ni Christian ang van sakay ang kanyang ina at binabagtas ang kahabaan ng JR Pascual St. nang harangin ng mga suspek.

Pinagbabaril ng mga suspek si Christian saka pwersahang isinakay ng mga ito ang ina niya sa isang get-away vehicle na sumibad patungong Quirino Highway.

Inaalam pa ng pulisya ang motibo sa pagpatay at pagdukot.