Laglagan na: Zaldy Co, ibinunyag ‘P100B insertions’ nina Marcos, Romualdez

INAKUSAHAN ni dating Ako Bicol party-list Representative Zaldy Co sina Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., dating House Speaker Martin Romualdez, at ilang miyembro ng Gabinete na nasa likod umano ng P100 bilyong “insertions” sa panukalang national budget para sa 2025.

Idinetalye ni Co ang mga paratang sa isang video na ipinost sa kanyang social media account

“Nagsimula ito noong tumawag sa akin si Amenah Pangandaman noong pag-umpisa ng BICAM process noong 2024. Ang sabi niya, galing siya sa meeting kasama ang Pangulo at may instructions na magpasok ng P100 bilyong proyekto sa BICAM.”

Dagdag niya: “Tinawagan ko agad si Usec. Lucas Bersamin para tanungin kung totoo bang may ganung utos ang Pangulo. Sinabi niya na totoo nga.”

Sinabi rin ni Co na meron na umanong plano ang administrasyon para siya patahimikin.

“Gamit nila ang buong resources ng gobyerno para manahimik ako. May pagbabanta pa na babarilin ako kung magsasalita ako. Gagawin akong panakip-butas sa kampanya nila kontra korapsyon,” aniya.

Wala pang pahayag ang Palasyo at ang mga opisyal na nabanggit tungkol sa akusasyon.