MULING isasailalim sa autopsy ang labi ni Kian Loyd delos Santos, ang 17-anyos na estudyante na napatay ng mga pulis bilang bahagi ng war on drugs ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Pinangunahan ni Fr. Flavie Villanueva, founder ng Program Paghilom, ang exhumation sa labi ni delos Santos.
Ani Villanueva, tapos na ang limang taon na lease sa apartment na pinaglibingan kay delos Santos sa La Loma Cemetery sa Caloocan City.
Ililibing sa ibang lugar ang mga labi, pero io-autopsy muna ito, dagdag ng pari.
“We hope to uncover a deeper truth. We hope to uncover what took place and as we have revealed in the past, pahintulutan nating magsalita ‘yung mga kalansay nanahimik ng ilang taon,” ani Villanueva
“Alam natin na na-autopsy pero ‘yung autopsy ay ginawa lang sa bahay. Ngayon ay mas masusi nating titingnan kung ano at paano, sa larangan ng siyensya, makikita ang pagpaslang sa kanya,” dagdag niya.
Matatandaan na binaril at napatay si delos Santos noong Agosto 16, 2017 makaraan itong manlaban ayon sa mga otorodad
Tatlong pulis na pumatay sa teenager ang nasentensyahang makulong ng hanggang 40 taon noong 2018.