NAKATAKDANG dumating ng bansa ngayong araw ng Lunes ang mga labi ng tatlong manggagawang Pinoy na kabilang sa mga nasawi sa sunog sa Mangaf, Kuwait.
Ayon sa Overseas Workers Welfare Administration (OWWA), inaasahan nila ang pagdating ng mga labi ng tatlong OFWs ngayong hapon.
Bago ito, inatasan ni OWWA Administrator Arnell Ignacio ang OWWA Kuwait na ihanda ang
letter of acceptance para sa mga kapamilya ng mga biktima at iba pang dokumento para sa madaliang pagpapauwi ng mga labi sa bansa.
Ipinag-utos din ni Ignacio sa mga regional welfare offices na bigyan ng suporta ang mga kapamilya ng mga nasawi.
Tatlo sa 11 OFWs na naapektuhan ng sunog sa residential building sa Mangaf ang nasawi habang dalawa ang kritikal ang kondisyon.
Hindi naman nasaktan ang anim na iba pa dahil wala sila sa gusali nang maganap ang sunog, ani Department of Migrant Workers Secretary Hans Leo Cacdac.