NANAWAGAN ang Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) sa mga magulang, lalo na sa mga ina, na aktibong turuan ang kanilang mga anak na magsalita ng Filipino, kasabay ng babala na nanganganib itong matabunan ng wikang Ingles.
Sa panayam ng Bagong Pilipinas Ngayon nitong Martes, sinabi ni KWF Chairperson Marites Barrios-Taran na nakakabahala ang pagbaba ng kasanayan ng mga bata sa Filipino.
Ito ay batay na rin sa ulat ng ilang magulang na hirap ang kanilang mga anak sa pagsasalita at pag-unawa sa sa sariling wika.
Binigyang-diin ni Taran na ang pinakamabisang paraan upang mapanatili ang Filipino at iba pang katutubong wika ay ang araw-araw na paggamit nito na dapat simulan sa tahanan.
“Wala pong ibang magmamahal sa wika natin kung hindi tayo lamang,” aniya.
“Namamatay ang wika kapag hindi ito ginagamit, at isa ito sa pinakamalaking hamon ngayon—na mula paggising, banyagang wika, lalo na Ingles, ang naririnig ng kabataan.”
Hinikayat niya ang mga pamilya na gawing pangunahing wika ng komunikasyon sa bahay ang Filipino o katutubong wika. Maging ang simpleng pagbati ng “magandang umaga” sa halip na “good morning” ay malaking tulong para masanay ang mga bata.
Dagdag niya, dapat ding gamitin ang Filipino at katutubong wika sa paaralan, pamilihan, simbahan, at tanggapan ng gobyerno upang ito’y patuloy na mabuhay.


