LUSOT na sa House Committee on Banks and Financial Intermediaries nitong Huwebes ang panukalang batas na nagsusulong ng P275-billion Maharlika Wealth Fund Act.
Inaprubahan ng komite na pinamumunuan ni Manila 5th District Rep. Irwin Tieng ang mga inirekomendang probisyon ng technical working group (TWG) na pinamumunuan ni Albay Rep. Joey Sarte Salceda, chairman ng House Committee on Ways and Means.
Nakatakdang sumalang ang committee report na naglalaman ng House Bill (HB) No. 6398 sa House Committees on Ways and Means para tax provision at magiging pondo nito.
Nangako si Salceda na aaprubahan ang panukala sa Lunes.
Ginaya ng Maharlika Wealth Fund ang sovereign wealth fund ng ibang bansa.
Sa ilalim ng panukala, maglalaan ng P125 bilyon ang Government Service Insurance System (GSIS) para sa Maharlika Fund, samantalang tig P50 bilyon naman ang Social Security System (SSS) at Land Bank of the Philippines (LBP), tig P25 bilyon naman sa Development Bank of the Philippines (DBP) at Treasury of the Philippines.
Layunin ng panukala na makakalap ng kita para sa gobyerno sa pamamagitan ng pag-maximize sa profitability ng investible assets ng estado.