Kita sa minahan nasaan nga ba? Bataraza isa sa pinakamahirap pa rin na bayan sa Palawan

PUERTO PRINCESA– Maraming Palaweño ang nagtataka kung bakit napakahirap pa rin ng bayan ng Bataraza sa kabila ng malaking kinikita nito mula sa pagmimina.

Base sa 2021 Poverty Map ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), ang Bataraza ay nananatiling isa sa mga lugar na may pinakamataas ang antas ng kahirapan sa kabila ng pagiging sentro ito ng pagmimina ng nickel.

Sa tala, ang bayan ay isa sa may pinakamaraming mahihirap na pamilya mula 4,393 hanggang 5,238.

Ito ay taliwas sa inaasahan lalo pa’t milyon-milyong piso ang kinikita ng bayan mula sa operasyon ng mga minahan sa ilalim ng pamahalaang lokal na pinamumunuan ng reelectionist na mayor na si Abbe Ibba.

Sa kabila ng malaking kita mula sa buwis at royalty shares, marami ang nagtatanong kung bakit nananatiling mataas ang antas ng kahirapan at kulang pa rin sa batayang serbisyo ang mga mamamayan.

Ang Bataraza ay isang first-class municipality na sagana sa likas na yaman at matabang lupa na angkop sa mga gawaing pang-agrikultura. Kilala ang bayan sa larangan ng pagmimina, partikular sa pagkuha at pagproseso ng nickel. Bagamat malaki ang ambag ng nasabing industriya sa paglago ng ekonomiya ng bayan, hindi ito nararamdaman ng mga mamamayan na nasa laylayan ng lipunan.

Habang ang ibang bayang may kaunting likas na yaman gaya ng Dumaran at Araceli ay may mas mababa ang antas ng kahirapan.

Dumarami ang panawagan mula sa mga mamamayan at civil society groups para sa mas malinaw at tapat na pamamahala sa pondo ng bayan.

Marami ang naniniwala na panahon na upang muling suriin ang mga prayoridad sa pag-unlad ng Bataraza at tiyaking napapakinabangan ng taumbayan ang yaman ng kanilang sariling lupain.