Kelot tumangay ng motor para pamporma sa chicks

HIMAS-REHAS ngayon ang isang lalaki na nahuling sakay ng kinarnap na motorsiklo sa Paco, Maynila nitong Huwebes ng madaling-araw.

Lumabas sa imbestigasyon na pinasok ng suspek ang bahay ni Lawrence Reyes sa Figueroa street para kunin ang susi ng motorsiklo nito.

Makikita sa CCTV footage na dumaan sa bintana ng banyo ang suspek.

Makaraan ang ilang minuto ay lumabas ito na hawak na ang susi ng motorsiklo na nakaparada sa harap ng bahay.

Nasakote ang suspek sa Sta. Ana sa ikinasang follow-up operation ng pulisya.

Ayon kay Capt. Jose Gumilan, Sub Station Commander ng Manila Police District Station 5, miyembro ng carnaping syndicate na nakabase sa Cavite ang suspek.

Todo-tanggi naman ang suspek na ibebenta niya ang motorsiklo sa Naic.

“Gagamitin ko lang po sanang pambababae, pagala-gala sa ano pagala-gala. Trip namin punta sa malalayo,” aniya.

Nahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa Anti-Carnapping Act of 2016.