MALIBAN sa reklamong tax evasion, sasampahan din ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) si suspended Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo at iba pa ng “serious, non-bailable criminal charges.”
Ayon kay PAOCC spokesperson Winston John Casio, nadiskubre ang mga dokumento na magdidiin kay Go ukol sa operasyon ng Philippine offshore gaming operator (POGO) hub sa Bamban.
“Her name and her signature are in so many documents. Two nights ago we are able to get an official document with her signature,” ani Casio.
Matatandaan na inanunsyo ng PAOCC na inihahanda na ang mga reklamong tax evasion kay Guo kaugnay sa pagkaka-link nito sa ni-raid na POGO hub sa kanyang bayan.
“As far as we are concerned po, may mga nakita kaming violations niya, mga administrative, actually. Mga tax evasion charges kakasuhan po natin siya,” sabi ni Casio.
“Maaaring sampahan din po namin siya ng mga violation ng securities regulation code, maging ‘yung mga opisyales nung Hong Sheng, at saka Zun Yuan, Baofu,” dagdag ng opisyal.
Ayon pa kay Casio, hindi na sila magsasampa ng reklamo ng paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act laban kay Guo dahil nakapaghain na ang Department of the Interior and Local Government.