INIHAHANDA na ang reklamong isasampa sa guro sa Lubao, Pampanga na pinalo at sinabunutan ang tatlong lalaking estudyante na kumukuha ng pagsusulit kamakailan.
Ayon kay Lt. Colonel Dedrick Relativo, hepe ng Lubao Police Station, desidido ang mga magulang ng tatlong biktima na pagbayarin ang guro sa ginawa nito.
Nahaharap ang guro sa kasong paglabag sa Republic Act 7610 o Child Abuse Law, ani Relativo.
Matatandaang kumalat nitong Lunes ang video kung saan mapapanood na habang sinesermunan ay pinapalo at sinasabunutan ng teacher ang tatlong Grade 9 students.
“Itong ating adviser and teacher got outraged kasi itong mga estudyanteng mga biktima natin ay nagkaroon ng heated arguments. So nakikita doon sa viral video, those victims were subjected to physical abuse and verbal abuse,” ani Relativo.
Magkahalong galit at pagkadismaya ang naramdaman ng mga magulang ng bata sa pangyayari
“Masakit po bilang ina na nakikitang nasasaktan ang anak mo nang ganoon ka brutal na pananakit…. at saka teacher pa, siyempre sila ‘yung tumatayong pangalawang magulang kapag nasa school,” sabi ng magulang ng isa sa mga bata.
Ayon sa Schools Division Office ng Pampanga, tinanggal na sa puwesto ang guro at naireklamo na ito sa DepEd Regional Office.