Kasambahay patay nang mahulog mula sa ika-5 palapag ng bahay

BASAG ang bungo at bali-bali ang buto ng isang kasambahay nang mahulog mula sa ikalimang palapag ng bahay ng kanyang amo sa Lucena City nitong Sabado.

Dead-on-the-spot ang biktima, 26, residente ng Barangay Munting Parang, Tagkawayan, Quezon, ayon sa ulat.

Alas-3:10 ng hapon ay nakitang naglalakad ang kasambahay sa bubong ng Lucena Mabuhay Lumber and Hardware, na pag-aari ng kanyang amo, sa Brgy. Ibabang Dupay.

Bumagsak sa semento ang biktima nang tumapak ito sa fiber glass na bahagi ng bubong ng limang-palapag na bahay.

Itinakbo pa sa pagamutan ang biktima pero hindi na naisalba ng mga doktor ang buhay nito.

Patuloy pa ang isinasagawang imbestigasyon ng pulisya sa insidente.