Kasabwat sa pagpatay kay Percy Lapid nagpatiwakal sa raid

NAGBARIL sa sarili ang sinasabing kasabwat ng gunman sa pagpatay sa broadcaster na si Percy Lapid bago pa ito maaresto ngayong Linggo ng umaga.

Armado ng warrant of arrest, sinugod ng mga alagad ng batas ang pinagkukutaan ni Jake Mendoza, alyas Orly, 40,  sa Lipa City, Batangas.

Pero bago naisilbi ang warrant ay nanlaban ang suspek kaya gumanti ng putok ang mga otoridad.

Nagkulong sa banyo si alyas Orly at doon umano nagpatiwakal. Kasama ni Mendoza sa bahay ang asawa at mga anak.

Wala namang nasugatan sa kanyang pamilya sa naganap na palitan ng putok.

Napag-alaman na si Mendoza ang umano’y kausap ng sumukong gunman na si Joel Escorial sa pagpaplano at pagpatay kay Lapid.

Ayon sa pulisya, naaresto at nakulong ito noong Nobyembre 2020 dahil sa ilegal na droga. Namatay si Lapid makaraang pagbabarilin ng riding-in-tandem sa Las Piñas City noong Oktubre 22.