Kariton ng buhay’ para sa nagugutom na Pinoy ipinarada sa QC

KARITON na gawa sa kawayan na umaapaw sa gulay, bigas at iba pang pangangailangan ang ipinarada ng isang residente sa Maginhawa street sa Quezon City para sa mga naghihikahos na Pilipino.


Libre ang laman ng kariton at kahit sino ay pwedeng kumuha, ayon kay AP Non, ang utak ng proyekto na tinawag niyang “Gulayan sa Maginhawa”.


Maliban sa gulay at bigas, mayroon ding gatas, vitamins, kape, facemask, de-lata, sabon, soup, at mga sangkap na pang-spaghetti at sopas ang kariton.


Matatagpuan ito sa harap ng Ministop at Romantic Baboy, at maaaring mapuntahan mula sa KNL, UP Village, San Vicente, Teacher’s Village, at Sikatuna.


Sa kanyang FB post, umapela rin si Non sa kanyang mga kapitbahay at kabarangay na magdagdag sa kariton sa abot ng kanilang makakaya.


“Kung kayo ay nasa neighborhood pwede din kayo mag-iwan sa community pantry ng groceries, andun lang iyon from 6AM-6PM. Kung sakaling malayo ka naman pwede ka magsimula ng community pantry sa inyong lugar. Salamat!” aniya.


At para naman sa mga kukuha ng items, sinabi niya na, “Wag n’yo na lang po kunin ang kariton para po makapag-iwan pa ang iba. Gagamitin pa po namin ‘yan sa bahay naghahanap lang po ako ng mas maayos na shelf para sa community pantry.”


“Di nito masasagot ang root cause ng kagutuman pero okay na din na pantawid gutom sa mga nangangailangan. Mahirap magtrabaho, mag-aral at lumaban habang kumakalam ang tyan,” dagdag niya.
Isang placard na may nakasulat na: “Magbigay ayon sa kakayahan, kumuha batay sa pangangailangan” ang inilagay ni Non sa kariton para sa mga kukuha at magdadagdag.