Kapatid ni Alice Guo, Cassandra Ong balik-Pinas na

BALIK-Pinas agad si Sheila Guo, ang kapatid ng pinaghahanap na tinanggal na mayor ng Bamban, Tarlac na si Alice Guo, at si Cassandra Li Ong, ang incorporator ng ni-raid na Philippine offshore gaming operator (POGO) sa Pampanga.

Dumating sa bansa ang dalawa alas-5 ng hapon, ngayong Huwebes, sakay ng Philippine Airlines flight PR 540 mula sa Jakarta.

Ineskortan sila ng mga operatiba ng Bureau of Immigration Intelligence Division (ID) and Fugitive Search Unit (FSU).

Ayon sa Indonesian Inteldakim Officer ng Batam Immigration Office, natanggap nila ang ulat hinggil sa mga ito at nagsagawa ng imbestigasyon.

“They were considered illegal aliens by Indonesian immigration as they are wanted in the Philippines,” ayon sa kalatas.

Inasikaso ang dalawa ng isang Singaporean na siyang nag-book sa kanila sa Indonesia.

Paalis na sila ng Batam Island nang sila ay ma-intercept ng Indonesian investigation team mula sa Directorate of Wasdakim.