“FAKE news” ang sigaw ng mga miyembro ng Pinoy girl group na BINI sa mga akusasyon na ukol sa kulam ang kanilang hit song na
“Salamin, Salamin.”
Sa isang press conference, itinanggi ng mga miyembro na may kinalaman sa witchcraft ang kanta gaya ng paratang ng grupong “Follow Jesus Ministry.”
“Ngayon lang po namin nalaman ‘yan pero hindi na po natin ma-control ‘yung utak ng ibang tao,” ani Jhoanna Robles, ang lider ng BINI.
“Fake news po ‘yun. Hindi po witchcraft ang ‘Salamin, Salamin ‘ Maganda lang ‘yung song,” segunda naman ni Maloi Ricalde.
Nitong Martes ay nag-viral ang post ng Facebook page na Follow Jesus Ministry na sinabi na ang trending song ng girl group “is bringing our hearts away from the Lord.”
Kalakip ng post ang screenshot ng libro ng isang Viiivi James na may titulong “Mirror Magic (Scrying, Spells, Curses and Other Witch Crafts) at ang lyrics of “Salamin, Salamin” na naka-highlight ang ilang linya.
“Ang pakikinig sa mga makamundong musika ay kadalasang maglalayo sa atin mula sa ating spiritual at moral values. Maari nitong maimpluwensyahan ang ating mga pagiisip at paguugali, protektahan po nating ang ating mga puso at isipan mula sa mga walang kabuluhang salita dahil ang mga salita ay espiritu,” ayon sa post.
“Itong “Salamin Salamin’ yung sinayaw sa church pero no problem..KJ, Religious, OA, legalist pa yung nangrebuke at nagadvise. Di po yan KJ pagmamahal po yan. Salamin2 is a Witchcraft song.. Please wake up church!” dagdag ng post.
Paaalala pa nito: “Let’s choose our music wisely to nurture our souls and to bring us closer to God…Beware sa mga christian, preachers, pastors, ministers na walang nakikitang mali sa pakikinig ng mga worldly music.”