Kamikazee ‘umattitude’ sa Sorsogon concert, pinalayas ni Gob

HINDI pinayagan ni Gov. Jose Edwin Hamor na mag-perform sa Sorsogon Town Fiesta 2023 ang bandang Kamikazee dahil sa umano’y pagpi-feeling sikat ng mga miyembro nito.

Pinalayas din ni Hamor ang banda sa probinsya bago pa makababa ng kanilang sasakyan ang mga ito.

“Hindi na matutuloy ang Kamikazee. Wala tayong magagawa. Bayad ‘yon kaso may attitude. Pinauwi ko na sa airport,” sabi ng gobernador sa audience.

Ilan sa mga reklamo sa banda ang pagtanggi ng mga miyembro sa mga photo ops at paggamit ng pampublikong toilet.

Ayon naman kay Jonathan Valdez, ang talent coordinator ng event, tumangging magpakuha ng picture ang banda sa mismong gobernador.

“In my years of bringing bands/artists in Sorsogon, never po nag-request ng picture si Gov. And I believe all the artists/bands na nakapunta sa Sorsogon can attest how considerate, kind, and generous Gov. is, kaya naman I did everything to accommodate his very simple request couple of days before the event,” ani Valdez sa Facebook post.

“Imago & I Belong To The Zoo said no problem…while this KAMIKAZE has been my source of stress days before the event for this simple request – hindi sumasagot. Until nag-oo na sila 30 minutes before their set,” dagdag niya.

Sinabi pa ng talent coordinator na hinintay sila ni Hamor sa venue.

“Pero hindi sila bumababa ng van, in my years in the business ngayon lang ako umiyak at nakikiusap na bumaba na sila for the 2 minute picture,” kwento niya.

“I even told them na singilin nila ako for an additional fee for this, Muntik na akong lumuhod, pero – DEADMA! Until lumapit na ang assistant ni Gov sa akin, ‘Jo halika, sabihin mo na kay Gov!’ — ayun na, they got what they deserved! Pinalayas sila sa Sorsogon at hindi pinasampa. FULLY PAID sila and all their requests were granted even the liquor etc. Binigay lahat and MORE!” sambit pa ni Valdez.

“Spoke to some people in the industry. Isa ang common na sinasabi nila–NAKAHANAP NG KATAPAT ang KAMIKAZE! Hindi ko kayo makakalimutan mga Sers, ibang level ang po kabastusan nyo!” wika pa ng talent coordinator.