IBINAHAGI ng veteran actress at politician na si Vilma Santos na patuloy pa rin siyang nakararanas ng sintomas ng Covid-19 kahit pa nagnegatibo na siya sa virus.
“Negative na ako, pero ito raw ‘yung tinawag nilang long Covid, ‘yung nagkaroon ng mga complications. I had an asthma attack and then nagkaroon ako ng fluctuating BP, headache,” sinabi ni Ate Vi sa video clip.
Aniya pa, pinayuhan siya na magpahinga at magdagdag-ingat lalo na sa kanyang edad.
Payo niya sa publiko, magdoble ingat dahil mayroon pa ring Covid-19.
“Gusto ko lamang ipaalala sa inyong lahat na, please, please, Covid is still here. At lalo na po sa mga katulad ko po, sa mga edad ko na mga senior, you really have to be careful. Hindi po talaga madali. Maski po ako, nahirapan, and I’m trying my very best, still, to get well at this point in time,” aniya.
Nangako naman siya na babalik siya sa pagvovlog kapag gumaling na siya.
“Pasensya na po kayo. Hindi ko nasasagot ‘yung mga text n’yo. Wala akong vlog. Babalik din tayo.”
Magdiriwang ng ika-69 na kaarawan si Vilma sa Huwebes, Nobyembre 3.