Kabaong ng paslit tumilapon sa banggaan

HUMAGIS palabas ang kabaong ng isang bata makaraang salpukin ng truck ang funeral car sa Maramag, Bukidnon.

Hindi naman gaanong napinsala ang kabaong pero halos nawasak ang bahagi ng karo ng patay na nahulog din sa kanal.

Ayon sa ulat, binabaybay ng funeral car ang isang kalsada sa Pabadtalan patungo sa libingan nang salpukin ito ng truck Huwebes ng hapon.

Sa lakas ng impact, tumilapon palabas ang kabaong ng dalawang-taong-gulang na bata habang nakaladkad sa kanal ang karo.

Sinabi ng driver ng truck na nawalan siya ng kontrol sa manibela kaya hindi naiwasang bumangga sa funeral car.

Labis naman ang paghihinagpis ng pamilya ng bata dahil sa pangyayari.