Kabaong nahulog sa truck, bumalandra sa kalye

NANGHILAKBOT ang mga residente sa isang barangay sa Sta. Cruz, Davao del Sur nang mabungaran ang isang kabaong sa gitna ng kalsada kamakailan.

Ayon sa ulat, naispatan ang kabaong sa isang bahagi ng Brgy. Astorga kaya ipinagbigay-alam ito sa mga opisyal ng barangay.

Agad namang rumesponde ang mga tanod at nang buksan ang ataul ay nakahinga nang maluwag ang mga residente nang malaman na wala itong laman.

Napag-alaman na nahulog ang kabaong mula sa multicab truck ng isang punerarya nang mapadaan ito sa lugar.

Nakuha naman agad ng punerarya ang ataul na pansamantalang inilagak sa barangay hall.