HINDI kailangang maging maingay para maipakita ang galing ng iyong liderato.
Ito ang sinabi ngayong Huwebes ni Dr. Jose Antonio Goitia, chair emeritus ng asosasyon ng iba’t ibang civic organizations, tungkol sa pamamahala ng acting chief ng Philippine National Police na si Lt. Gen. Melencio Nartatez Jr.
Ang tunay na sukatan ng pamumuno ay nasa gawa, disiplina, at tapat na paglilingkod, ayon kay Goitia.
Anya si Nartatez ay “isang lider na ibinabalik ang dangal sa serbisyo publiko—tahimik pero matatag.”
Dagdag pa niya, “Sa panahon na marami ang nagpapakita lang ng imahe, si General Nartatez ay namumuno sa pamamagitan ng integridad.”
Ayon pa kay Goitia, naging matatag ang PNP sa mahinahon na paraan.
Isa sa una niyang direktiba ang masusing internal audit ng mga yunit at muling pagsusuri sa mga posisyon sa hanay ng kapulisan upang matiyak na tama at patas ang operasyon sa lahat ng antas.
Marunong din siyang makinig bago kumilos at laging may prinsipyo ang bawat desisyon, pahayag pa ni Goitia.
“Ang ganitong klaseng pamumuno—kalma, disiplinado, at patas—ang nagbabalik ng tiwala, hindi lang sa organisasyon kundi sa publiko,” dagdag pa nito.
Nakaugat sa katapatan, nagtapos si Nartatez sa Philippine Military Academy Tanglaw Diwa Class of 1992,
Hinawakan niya ang ilang mahahalagang posisyon sa PNP gaya ng Director for Intelligence, Director for Comptrollership, at Regional Director ng NCRPO at PRO 4A, bago italaga bilang Deputy Chief for Administration.
Ang lawak ng kanyang karanasan ang nagpatibay sa kanyang istilo ng pamumuno: maingat pero matatag, kalmado pero malinaw sa direksyon. Para sa kanya, ang integridad ay hindi sinasabi lang — ito ay ginagawa araw-araw.
Sa kabila ng mabigat na tungkulin, nananatili rin umanong mapagpakumbaba ang hepe ng PNP, ay dahilan kung kayat maayos na nasolusyunan ng pambansang kapulisan ang riot sa Mendiola noong September 21 rally.
“Pinatibay din niya na walang “quota arrest” sa PNP, dahil para sa kanya, ang hustisya ay hindi nasusukat sa dami ng nahuhuli kundi sa pagiging patas ng proseso.
Malugod din niyang tinanggap ang pagkilala sa Pilipinas bilang Tier 1 sa United States Trafficking in Persons Report, isang patunay sa epektibong laban ng bansa sa human trafficking.
Para kay Goitia, ang mga tagumpay na ito ay pruweba ng epektibong pamumuno. ( MARISA SON )


