MULA Hunyo 30 hanggang Hulyo 13 ay pumalo sa 18,349 ang naitalang kaso ng dengue sa bansa, ayon sa datos ng Department of Health (DOH).
Ang bilang, dagdag ng DOH, ay mas mataas sa 12,153 na kaso mula Hunyo 16 hanggang 29.
Pinakamaraming bilang ng nabiktima ng sakit sa Western Visayas, Central Visayas, Cagayan Valley, at Calabarzon na tuloy-tuloy ang pagtaas ng kaso sa loob ng anim na linggo.
Ngayong taon, nasa 128,834 na ang kaso ng dengue.
Gayunman, inihayag ng DOH na mas konti ang mga namamatay dahil sa dengue ngayong taon sa 337, kumpara sa 378 na namatay sa parehong panahon noong 2023.
“The DOH sees the lower number of deaths this year, despite the higher number of cases, as an indication of people seeking early consultation, and hospitals doing better case management,” ayon sa kagawaran.
Kaugnay nito, pinayuhan ng DOH ang publiko na isagawa ang 4S strategy laban sa dengue: search and destroy breeding places; secure self-protection; seek early consultation; at support fogging or spraying in hotspot areas.