NANAWAGAN ngayong Lunes ang United Broilers Raisers Association (UBRA) kay Pangulong Bongbong Marcos na aksyunan ang pagbaha ng mga imported na manok sa bansa, na aniya’y nagdudulot ng pagbaba ng farmgate price ng lokal na manok sa pagitan ng P92 hanggang P101 kada kilo.
Sa isang panayam sa DZBB, sinabi ni UBRA Chairman Gregorio San Diego Jr. na mula Enero hanggang Hulyo umabot na ng 212 milyong kilo ng imported na manok ang dumating sa bansa.
“Bumababa ng tig-P5 sa bawat araw. Noong Sabado bumaba ng P5, kahapon bale P10 na ang binaba pero ito hindi pangkaraniwan ito kasi nga weekend, usually kapag weekend tumataas hindi bumbaba this time bumaba pa siya,” sabi ni San Diego.
Aniya, na ang puhunan nila sa manok ay nasa P112 na.
“Kaya nalulugi na kami ng P10 kada kilo,” dagdag pa niya.
Sa kabila nito ay hindi naman bumaba ang presyo ng manok sa mga palengke na ngayon ay aabot na sa pagitan ng P158 hanggang P200 kada kilo.