LANTARAN umanong pinag-uusapan sa Kamara ang posibleng pagpapatalsik kay Vice President Sara Duterte sa pamamagitan ng impeachment.
Ito ang sinabi nitong Martes ni Duterte sa panayam sa Senado matapos ang kanyang pagdalo sa budget hearing ng kanyang tanggapan.
“Pinag-uusapan nila. Kahit i-deny nila, pinag-uusapan ng members of the House of Representatives,” ani Duterte.
Anya, meron pa silang kaibigan sa Kamara na alam ang nangyayari ngunti hindi lang makapagsalita dahil sa natatakot ang mga ito.
“Kasi meron pa naman kaming mga kaibigan sa loob e na hindi lang nagsasalita dahil takot daw sila. Sinasabi nila, it’s openly discussed, yung impeachment,” anya.
Hindi na umano siya nagugulat dito dahil alam naman anya niya ang planong pabagsakin ang kanyang pamilya lalo pa’t isinusulong ang imbestigasyon laban sa kanyang ama na si dating Pangulong Duterte, mister na si Manases Carpio, at kapatid na si Davao City Rep. Paolo Duterte.
“They want to project the family as corrupt, as criminals as walang kwentang mga tao…and all because, we are a threat to the perpetuation in power of people na interesado na maging prime minister kung matuloy yung nililuto nilang Cha-cha (Charter change) o president kung hindi maluto yung Cha-cha nila,” pahayag pa ng bise president.