HINDI man lang naka-second base ang impeachment complaint na inilatag laban kay Supreme Court Associate Justice Marvic Leonen matapos ibasura ng house committee on justice ang reklamo.
Dalawang oras lang ang itinagal ng complaint laban kay Leonen na inihain ni Edwin Cordevilla, isang pribadong mamamayan at secretary-general ng Filipino league of Advocates of Good Government.
Apatnapu’t apat na kongresista ang bumoto pabor para ibasura ang complaint dahil insufficient in form. Ibig sabihin ang mga alegasyon laban sa mahistrado ay hindi suportado ng mga tamang rekord at huwad sa kaalaman mismo ng complainant.
Ni isa ay walang sumuporta pabor sa complaint habang dalawa ang nag-inhibit para bumoto.
Akusasyon ni Cordevilla, hindi umano nag-file ng kanyang Statement of Assets and Liabilities (SALN) sa loob ng 15 taon si Leonen habang siya ay nagtuturo sa University of the Philippines. Isinampa niya ang reklamo noong Disyembre na inendorso naman ni Ilocos Norte Rep. Angelo Marcos Barba.
Si Barba ay pinsan nang talunang si dating Senador Bongbong Marcos na nagsampa naman ng election protest sa nakatunggali at nanalong bise presidente na si Leni Robredo.
Si Leonen ang justice in charge hinggil sa election protest ni Marcos laban kay Robredo.
Sa isinagawang pagdinig, sinabi ng committee na puro base sa news article lang ang mga akusasyon na inilatag ng nagrereklamo, dahilan para ituring itong pawang “hearsay”.
“Not one matter, not one annex is based on his personal knowledge,” Ayon kay Deputy Speaker Rufus Rodriguez.
“Therefore, the complaint is undeniably, purely hearsay and the rules of evidence would say that hearsay evidence would not stand in any proceeding,” dagdag pa nito.