HINDI tatakbong alkalde ng Maynila si Senador Imee Marcos sa darating na 2025 midterm elections.
Ito ang ipinahayag ni Barangay ChairJefferson Lau, presidente ng Manila Chinatown Barangay Organization, nang siya ay makapanayam sa post-Chinese New Year celebration sa Plaza Lorenzo Ruiz sa Binondo, kung saan bisita at namahagi ang senador ng tikoy sa may 2,000 indibidwal mula sa ikatlong distrito ng lungsod.
Sa pahayag ni Lau, natuldukan na diumano ang mga usap-usapan na tinatarget ni Marcos ang pagka-mayor ng Maynila.
Ani Lau, si Marcos na mismo anya ang nagsabi na wala siyang balak tumakbong mayor ng lungsod.
“Hindi tatakbo si Sen. Imee Marcos na Mayor ng Maynila, nag-usap kami at yun ang sinabi niya,” pahayag ng barangay chair.
Matatandaang paulit-ulit na ring sinabi ng kapatid ni Pangulong Bongbong Marcos na wala siyang balak tumakbo bilang alkalde ng Maynila at sa halip, balak umano niyang tapusin ang kanyang isa pang termino bilang senador. (Jerry S. Tan)