ILANG Pinoy ang dinampot at idinetine sa Qatar dahil sa umano’y ilegal na pagsasagawa ng protesta nitong Biyernes, Marso 28, 2025, ayon sa Philippine Embassy sa Qatar.
“The Embassy of the Republic of the Philippines in Doha is aware that several Filipino nationals have been arrested and detained early today, 28 March 2025, for suspected unauthorized political demonstrations in Qatar,” ayon sa embahada.
Una nang nagbabala ang embahada sa mga Pilipino sa nasabing bansa na huwag sumali sa anumang demonstrasyon at irespeto ang batas rito.
“The Embassy is in touch with local authorities for the provision of necessary consular assistance to said nationals,” dagdag pa nito.
Ang pagkakaaresto nito ay kasunod ng malawakang rally na ikinasa ng mga overseas Filipino workers (OFWs) sa iba’t ibang panig ng mundo para sa ika-80 kaarawan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na ngayon ay nakakulong sa The Hague, Netherlands bunsod ng mga kasong crimes against humanity na isinampa laban sa kanya sa International Criminal Court.
Ikinasa rin ng mga OFWs na sumusuporta sa dating pangulo ang “zero remittance week” bilang suporta sa dating presidente.