KINUMPIRMA ng Disaster Risk Reduction and Management Office ng Dagupan City, Pangasinan na ilan sa mga nanood ng pagtatanghal sa taunang Bangus Festival ang nawalan ng malay dahil sa sobrang init.
Ayon kay DRRMC officer Ronaldo De Guzman, nasa maayos nang kalagayan ang mga ito makaraang asikasuhin ng mga medical officers at volunteers. “No serious injuries were recorded,” dagdag niya.
Hindi na binanggit ni De Guzman kung ilan ang hinimatay sa event.
Sa kani-kanilang post sa X/Twitter, nagpahayag ng pagkabahala ang mga miyembro ng girl group na BINI sa kanilang mga fans na nanood ng kanilang performance sa event.
“Maraming salamat Dagupan! Sana safe kayong nakauwi lahat. Sobrang saya naming makita kayo pero nakakalungkot lang din na may mga gano’ng nangyari kanina. Salamat sa pagmamahal at sana sa mga susunod na ganap, unahin natin ang safety ng bawat isa,” ani Jhoanna Robles.
Humingi rin ng paumanhin si Colet Vergara na kinailangan ihinto ang kanilang performance dahil “[we] don’t want to cause any harm.”
Ipinaalala naman ni Gwen Apuli na manatiling ligtas at uminom ng maraming tubig.
“Please hydrate everyone iba ang init ngayon see you sa susunod na ganap blooms!” aniya.
“It breaks my heart to hear and see that people were affected by the heat and exhaustion,” sabi ni Aiah Arceta.