Ilang deboto ng Sto. Nino dismayado sa dancing hunks sa piyesta

NAGPAHAYAG ng digusto ang mga deboto ng Sto. Niño sa Tondo, Maynila sa mga lalaking hubad na gumigiling sa parada na bahagi ng selebrasyon ng kapistahan ng Niño Hesus.

Matatandaang klinaro ng Archdiocesan Shrine and Parish of Santo Niño na walang kinalaman sa Tondo Church ang mga nasabing street dancing.

“Nais linawin ng Parokya ng Santo Niño de Tondo na ang mga video na nagsasayaw ng nakahubad o walang pang-itaas na damit na kumakalat sa social media ay walang kaugnayan sa ating simbahan,” ayon sa kalatas ng simbahan.

“At kailanman ay hindi kinukunsinti ang mga ganitong gawain kaugnay ng Pagdiriwang ng ating Kapistahan,” dagdag nito.

Ipinunto rin ng simbahan na taliwas sa totoong layunin ng “Lakbayaw” o “Lakbay at Sayaw” ang ginagawa ng mga dancers kahit pa iginigiit ng mga grupo na kabilang sila sa Lakbayaw Festival.

“Hindi nakaugnay sa angkop na layon ng Lakbayaw at pagpaparangal sa debosyon sa Pintakasing Santo Niño na may katauhan bilang bata na may kababaang loob at masunurin sa Diyos Ama,” sabi nito. “Hindi na po ito ang diwa ng Lakbayaw na dapat magsalarawan ng ating pananampalataya at pasasalamat sa Batang Diyos na Siyang sentro ng ating pagdiriwang.”

Segunda ng mga deboto:

“Nawala n ang saysay at tunay n kahulugan ng pista ng sto.nino…napalitan n ng kalaswaan at pinasinayaan pa sa social media.”

“Hind na yan fiesta kabastusan na yan kaya tau pinaparusahan ng Dios dahil din Sa mga taong makasalanan Sana dumating na ang panginoong makapangyarihan para tumigil na kayo Sa kasamaang ginagawa.”

“Fiesta ng STO NINO, bat ganyan ang hahalay at malalaswa ang galawan, parang ganyan ying sa ibang bansa anong bansa ba yun, binagyo at binaha ng todo.”

“Tanong lang ganito ba talaga i celebrate yung viva sto niño??? ok sana kung fiesta lang e pero may involved na sto niño parang wala ng respeto masyado parang binastos narin yung sto niño, parang example to nung sa 10 commandments yung mga nagsasayaw mga nagiingay mga nakahubad at kung ano ano pa ginagawa wala akong pake kung may magalit sa comment.”