NGAYON na nasa mas mababang quarantine status na ang buong Kamaynilaan, inirekomenda ng Department of Transportation na dagdagan na ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF) ang passenger capacity sa mga pampublikong sasakyan.
“Irerekomenda po ng Kagawaran ng Transportasyon ang pagtaas ng passenger capacity sa ating mga PUVs to cope up with the increased number of individuals using public transport due to the imposition of a more relaxed quarantine status,” ayon kay Transportation Assistant Secretary for Road Transport and Infrastructure Steve Pastor.
Kasalukuyang nasa 50 percent ang passenger capacity sa mga PUVs, at dahil ibinaba na sa Alert Level No. 3 ang quarantine status sa Kamaynilaan, maaaring itaas pa na may kaakibat na health and safety protocols na itinatakda ng IATF.
Anya, malaki ang maitutulong nito hindi lamang sa mga commuter kundi maging sa mga driver at operator na matagal nang iniinda ang epektong ito dulot ng pandemya.
“Tinitignan natin na magtaas ng seating capacity sa public transportation. Bilang tugon sa lumalaking gastusin sa day-to-day operations ng ating operators, and at the same time, this will also address yung matagal na hinihiling ng ating mga kasamahan sa business sector na dapat mas mapalago ang economic activities. We can contribute to that through an increase in public transportation, and their capacity,” ayon kay Pastor.