Hinliliit ng babae putol sa kagat ng kerida ng mister

NAPUTOL ang hinlilit ng isang babae makaraang kagatin ng umano’y karelasyon ng kanyang asawa sa Talisay City, Cebu noong Martes.

Ayon sa ulat, hindi na naibalik ng mga manggagamot ang naputol na bahagi ng daliri ng biktima, 30, ng Brgy. Cainta Uno, Talisay City.

Hindi rin pinangalanan ng mga pulis ang suspek bagaman sinabi na 43-anyos at taga-Dumanog, Cebu.

Ayon sa ulat, sumugod ang suspek sa bahay ng biktima at mister nito, 33, para bawiin sa lalaki ang mga alahas, cellphone at motorsiklo na ibinigay niya rito.

Kinumpronta ng biktima ang suspek bago sila nagkapisikalan.

Sa gitna ng away ay nakagat ng suspek ang hinliliit ng biktima. Mag-isa umanong nagpunta sa pagamutan ang biktima dahil sumama ang lalaki sa suspek. Hindi sinabi sa ulat kung sasampahan ng reklamo ng biktima ang suspek.