Higanteng tuna kusang nagpahuli sa mga bata

NAIBENTA sa halagang P16,000 ang tuna na tumitimbang ng 160 kilo na nahuli ng mga bata kamakailan sa baybayin ng Mercedes, Camarines Norte.

Ayon sa residenteng si Niño Arizabal, naliligo ang mga paslit sa dagat na sakop ng Brgy. 6 nang lapitan sila ng dalawang malalaking tuna.

Noong una ay inakala ng mga bata na pating ito kaya dali-dali silang umahon at tinawag ang mga magulang.

Nang makita na tuna at hindi pating ang lumalangoy malapit sa pampang ay kumuha ng pamalo ang mga mag-aama saka hinambalos ang mga isda.

Nakatakas ang isa sa mga tuna nang lumangoy ito sa malalim na bahagi ng dagat.

Pinagtulungan ng mga residente na dalhin ang isda sa palengke sa Brgy. Pandawan.